Hindi pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukalang batas sa umento ng sahod ng mga nurse, ayon sa Palasyo nitong Huwebes.
Naglalayon din ang panukalang batas na dagdagan ang minimum pay ng nurses na aabot na sana sa halos P25,000 kada buwan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na hindi inaprubahan ni PNoy ang consolidated House Bill No. 6411 at ang Senate Bill No. 2720.
Pinamagatan ang SB 2720 na “An Act Providing for a Comprehensive Nursing Law Towards Quality Health Care System, and Appropriating Funds Therefor.”
Hindi pa umano kabilang sa halagang ito ang iba pang mga benepisyo at allowances na natatanggap ng nurses sa ilalim ng Magna Carta of Public Health, dagdag ni Aquino.
“While we recognize the objective of the bill to promote the well-being of the country’s nurses, we cannot support the bill in its present form because of its dire financial consequences,” pahayag ni Aquino.
“To grant the proposed increase will not only undermine the existing salary structure of medical and health care practitioners, but will also cause wage distortion not only among health professionals but also among other professionals in government,” dagdag niya.
Hindi umano matatanggap ng konsyensiya ang naturang “preferential treatment” para sa mga nurse, at labag din umano ito sa “equal protection clause” ng Saligang Batas.
Malalagay din umano sa alanganin ang kakayahan ng private hospitals, ang mga nongovernment health institution at hindi rin maganda ang ibubunga nito, gaya ng posibleng pagbabawas ng hospital workers, at susunod na ang pagtaas ng halaga ng pangangalaga sa kalusugan.
Ayon kay Coloma, naipaabot na sa mga tanggapan nina House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at ni Senate President Franklin Drilon ang “veto” ng pangulo.