Almoranas at paano ito maiiwasan

Almoranas at paano ito maiiwasan

0
726
photo from: asinsadongpinoy

Isa na siguro ang almoranas o hemorrhoids sa mga sakit na nahihiyang aminin o pag-usapan ng isang taong nagtataglay nito dahil ang bahagi ng katawan na apektado ay ang puwet, partikular ang labasan ng dumi. Pero ano nga ba ang almoranas at papaano ito malulunasan? Namamana nga ba ang sakit, o nakukuha sa madalas na pagkain ng maanghang? Alamin.

Sa talakayan ng programang “Pinoy MD,” sinabi na ang almoranas ay pamamaga ng ugat sa puwetan na nagdudulot ng pagbabara sa daluyan ng dumi. Sa ilang sitwasyon, lumalabas sa puwerta ng puwet ang mismong namagang ugat.

Ayon kay Dr. Neil Aquino, isang surgeon, puwedeng walang sakit na nararamdaman ang may almoranas, habang mayroon din na nakararamdam ng sakit kahit nasa loob ang almoranas.

Ilan sa sintomas o palatandaan ng almoranas ay nakararamdam ng pangangati sa puwetan, hirap na mailabas ang dumi, at kung minsan ay may dugo sa dumi.

Dahil may mga haka-haka tungkol sa kung papaano nakukuha ang almoranas, sinabi ni Dr. Aquino na hindi nakukuha ang naturang sakit sa pagkain ng maanghang pero maaari nitong palalain ang almoranas.

Dagdag pa ng duktor, may katotohanan na maaaring mamana ang almoranas. Base umano sa pag-aaral, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng almoranas ang anak kung ang magulang niya ay nagkaroon ng naturang sakit.

Ilan umano sa mga sanhi ng almoranas ay chronic constipation o hirap sa pagdumi at pag-iri, low fiber ang mga kinakain, at hindi mahilig uminom ng tubig.

Kung hindi pa malaala ang almoranas, maaaring gamutin ito sa pagpahid ng hydrocortisone cream.

Pero sa mga malala na ang almoranas, kailangan na itong operahan gaya ng rubber band ligation, na nilalagyan ng goma ang namamagang ugat upang maputol pagkaraan ng ilang linggo. Ginagawa rin ang pag-inject ng sclerotherapy o isang uri ng kemikal para lumiit at humupa ang pamamaga ng ugat.

Gayunpaman, hindi naman daw dapat mag-alala ang mga may almoranas dahil hindi ito nauuwi sa mas malalang komplikasyon.

Makatutulong na panlaban sa almoranas ang pagkain ng hi-fiber foods gaya ng green leafy vegetable, prutas gaya ng abocado, at oatmeal, at pag-inom ng tubig na magpapaganda sa digestive system para hindi mahirapan sa pagdumi.

source: GMA news

Comments

comments

LEAVE A REPLY